mabagsik ang alindog ko.
Friday, August 21, 2009
[guni-guni.]
Hindi matapos-tapos si Eman sa kanyang mga takdang-aralin. Napakarami pa niyang tatapusin. Sa lagay niyang iyan, mukhang hinahabol niya ang oras. Mukhang matatalo siya ngunit hindi pa rin siya sumusuko. Ganyan naman siya, hindi nagpapatalo. Deadline na kasi ng kanyang mga paperworks bukas. Simula ng namulat siya sa katotohanan, nagpakalunod na lang siya sa kanyang pag-aaral. Ang lalalim na ng kanyang mga eyebags, halatang pagod na ang kanyang mga kamay, at bumabagsak na ang mga talukap ng kanyang mga mata.

Siya si Emmanuel Alcantara. Isa siyang scholar ng U.P. Diliman. Maaga siyang naulila ng kanyang ina kaya lumakhing kulang sa pagmamahal. Pinalaki siya ng kanyang tiyahin. Iniwan siya ng kanyang ama at nag-asawa ng iba. Oo,produkto si Eman ng isang broken family. Wala siyang kapatid. Walang kaibigan. May pagkasuplado at pagkamahiyain kasi siya kaya walang nagmamahal sa kanya. Ang kanyang tiyahing si Aling Lucia ay tinutupad lang ang kanyang tungkulin. Pa-aralin, pakainin, palakihin ng mabuti ang kanyang pamangkin. Hindi niya lubusang binibigyang pansin si Eman. Puro negosyo, tsismis at lalaki lang naman ang ikinabubuhay ni Aling Lucia. Medyo may mukha naman si Eman kung marunong lang sana siyang mag-ayos. Laging magulo ang kanyang buhok. Buhok ng bagong gising. Nakasalamin siya kaya hindi masydong napapansin ang kanyang kumikislap at nagniningning na mga mata. Tama lang ang kanyang pangangatawan at tangkad. Kabilang siya sa mga kalalakihang simple at hindi masyadong pinapansin. Ang kaibahan lang ni Eman sa mga tao ay mayroon siyang napakalawak na imahinasyon. Dahil sa kanyang mga kathang-isip, nabuo si Erika. Siya ang kathang-isip na minamahal ni Eman. Siya ang kanyang guni-guning sinta. Ang katotohanan, si Eman ay nagmamahal ng wala.

Si Erika daw ay maganda, mabait, maunawain, at masaya. Halos lahat ng mga traits ng mga lalaki na kay Erika daw. Ngunit nakalulungkot man isipin, hindi siya totoo. Si Eman lang ang nakakakita, nakakarinig at nakakahalubilo kay Erika dahil siya ang lumikha nito. Araw-araw silang magkasama. Tuwing nasa labas si Eman at "kasama" niya si Erika, kinakausap niya ito. Walang mga taong nasa daan ang hindi sumusulyap sa nagsasalitang mag-isa na si Eman. Dinededma lamang ni Eman ang mga ito. Wala siyang pakielam kung anu man ang sabihin ng ibang tao. Basta alam lang niya ay mahal niya si Erika, ang babaeng kathang-isip lamang.

Mukhang nababaliw na nga si Eman. Sinabi daw sa kanya ni Erika na may taning daw ang kanyang buhay. Kailangan daw niyang maglaho ng parang bula. Ang mas masakit pa ay sa ikalabing-walong kaarawan pa ni Eman ang petsa na kailangan umalis ni Erika.

Lumipas ang tatlong buwan. Tuloy pa rin ang kasiyahan nina Eman at Erika. Nagmamahalan, nagtatawanan, at kaagapay sa bawat pagsubok. Malapit na ang kaarawan ni Eman. Sa bawat araw at minutong lumilipas, nalulungkot na siya dahil alam niyang mawawala na ang kanyang sinisinta. Kaya sinusulit niya ang mga araw na kasama niya si Erika. Marami ang tumatawa dahil nababaliw na daw si Eman. Bumabagsak na nga siya sa kanyang mga subjects dahil hindi na siya masyadong nag-aaral. Puro si Erika na lang.

Nang nalaman ni Aling Lucia ang mga nangyayari kay Eman, nagalit ito at pinalayas si Eman sa kanyang pamamahay. Hindi daw niya lubusang matanggap na ang kanyang pamangkin ay baliw at malayo sa katinuan. Lalong nabaliw si Eman sa mga nangyayari. Lahat ng tao ay itinakwil siya. Sa Diyos na lang siya kumakapit para magkaroon ng kaunting pag-asa. Hindi niya alam kung isang delubyo o isang pagpapala ang paglikha niya kay Erika. Nakikitulog na lang si Eman at naninilbihang katulong ng mga pari sa simbahan. Nililinis niya ang mga kampana, mga estatwa ng Panginoon at mga santo. Wala pa ring nagmamahal kay Eman kundi si Erika at ang Diyos. Alalay lang ang tingin ng mga pari sa kanya kaya hindi nila lubusang napapansin si Eman. Puro pera din kasi ang habol ng mga pari sa simbahang pinasukan ni Eman. Tumalikod sila sa pagiging tapat sa Panginoon. Isang napakalaking kasalanan. Hindi na lang pinansin ni Eman ang mga nangyayari. Puro bahala na ang nasa isip niya.

Dumating ang araw ng kanyang kaarawan.

Ang araw na ganap na matandang tao na siya at pwede nang mamuhay ng mag-isa. Hindi na siya minor de edad. Ito na rin ang araw na kailangang mamaalam ni Erika sa puso ng kaawa-awang si Eman. Nag-celebrate si Eman ng kanyang kaarawan sa tabi ng karagatan. Doon sila nagkwentuhan magdamag ni Erika. Nagpalitan sila ng kanilang mga maliligaya at malulungkot na alaala. Hindi mapigilang maluha ni Eman. Nilikha niya si Erika para magkaroon ng isang taong magmamahal at uunawa sa kanya. Ngayon na aalis na si Erika, napakalungkot ni Eman.

Papalubog na ang araw. Maglalaho na si Erika. Ang huling mga salita ni Eman kay Erika:

"Salamat dahil hinayaan mo akong ibigin kita. Mahal na mahal kita. Salamat."

Pagkatapos nun, naglaho na si Erika.

Mag-isa na lamang si Eman ngayon.
Mag-isa na niyang haharapin ang mapait na katotohanan.
Mag-isa na niyang ipagpapatuloy ang buhay niyang kinagisnan.

posted by yana. @ 12:53 AM  
0 Comments:

Post a Comment

<< Home
 
About Me

Name: yana.
Home: Manila, Philippines
About Me: 'Wag mo na akong kilalanin. Magsisisi ka, peksman.
See my complete profile
Previous Post
Archives
Sidebar Section

Lorem ipsum dolor sit amet, consectetuer adipiscing elit. Duis ligula lorem, consequat eget, tristique nec, auctor quis, purus. Vivamus ut sem. Fusce aliquam nunc vitae purus.

Links

Free Blogger Templates

BLOGGER